Matapos mag-sign ng Memorandum of Agreement (MOA) para sa Unleash Pawscars Short Film Festival, nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Direktor Jose Javier Reyes at nagsalita ito tungkol sa mga magagandang proyekto ng Unleash at PAWS (Philippine Animal Welfare Society).
Nagsalita rin ang premyadong direktor at chairperson ng Film Development Council of the Philippines tungkol sa hindi makatarungang pagmamaltrato sa mga hayop.
Pangungunahan ni Direk Joey ang short films festival jury na kinabibilangan din ng indie directors na sina Arvin Belarmino at Joseph Abello.
SHORT FILM FESTIVAL FOR ANIMAL LOVERS Ang Unleash ay isang app para sa pet lovers habang ang PAWS naman ay ang organisasyong kilala sa pangangalaga ng karapatan ng mga alagang hayop.
Inilunsad ng Unleash at PAWS ang Unleash Pawscars Short Film Festival para sa pet owners na may talento sa paggawa ng videos na kinatatampukan ng kanilang alagang hayop.
Maaring live action o animated ang isa-submit na short film at maari itong tumakbo ng hanggang 20 minuto, kasama na ang credits.
Puwede rin ang kahit na anong genre — drama, comedy, action, musical, documentary, etc.
Maaari ring nasa ibang lengguwahe o dayalekto, bukod sa English o Tagalog, ang isusumiteng short film, basta't may English o Tagalog na subtitles.
Ang deadline ng pagsusumite ng entries ay hanggang Agosto 31, 2025, at iaanunsiyo ang finalists sa Setyembre 15.
Dapat na present sa Pawscars awards night sa Disyembre 14 ang mga napiling entry at ang magwawagi ng grand prize ay mag-uuwi ng premyong PHP150,000.
Para sa iba pang detalye at paraan ng pagsali, pumunta lang sa website ng Unleash na www.unleash.ph.